Featured Post

3 Cost Effective Ways to Solve Metro Manila's Traffic Problem

Image
The Facebook page of ANC 24/7 is asking for its reader's suggestion on how to solve Metro Manila's traffic problem. This got me thinking, "what is the best way to solve Metro Manila's traffic problem?" It's easy to make suggestions, what's hard is the implementation and the cost of implementation. So what is the the best way to solve Metro Manila's traffic problem and the most cost effective solution? Punitive Fines Add caption First of all, any implementation will definitely cost money, a lot of money. The cause of the traffic mess is the people themselves so it's only right that those causing the traffic problem should be fined and the fine should hurt. That way, the fines will pay for the cost of enforcing the law. The fines should start at P500 and goes up every week if you don't pay it within 15 days. To enforce this and prevent people from ignoring the fine. It will be tied to their driver's license or car registr

Dumating na ang araw n’yo

Brilliant article by Inquirer's Conrado de Quiros.

Tapos na nga ang Linggo ng Wika, pero hindi pa rin naman tapos ang Buwan ng Wika, pwede pang ihabol ito. At kahit na kantong Tagalog pa rin lang ang alam ko, pipilitin kong mabigyang anyo ang nararamdaman ng bayan ngayon. Baka nga mas angkop ang salitang kanto para dito.

Dalawang taon na ang nakakaraan mula ng sinulat ko ang “May araw din kayo” bilang pagtugis sa mga bwisit sa ating buhay. Di pa rin tuluyang nawawala ang mga bwisit na ’yan, pero masasabi na nating “Tapos na ang maliligayang araw n’yo.” Sa totoo, pwede na nga rin nating sabihing “Dumating na ang araw n’yo.”

Para ’to sa kanila:

Kayong mga nagsasabing lubayan na ang pag-usig sa mga nandaraya, nandarambong, at nagsalaula sa bayan nitong nakaraang dekada dahil ito ay persecution o paninikil at walang magandang naidudulot sa bayan, kami ang lubayan n’yo. Kami ang tantanan n’yo. Kami ang tigilan n’yo. Bumenta na ang dramang ’yan, nilalangaw na sa takilya and sarswelang ’yan. Noon pa ’yan sinasabi ni Imelda, na me paiyak-iyak pa, me pa dab dab pa sa mata ng panyolitong binababad sa pabango, persecution daw ang pag-usig sa kanila. Persecution daw ang paghabol sa ninakaw nila. Persecution daw ang pagsisikap na maikulong sila.

Kung nilalait ka dahil pandak ka, maitim ka, steel wool ang buhok mo, ang tawag d’yan ay persecution. Kung inuusig ka dahil magnanakaw ka, mandaraya ka, walanghiya ka, ang tawag d’yan ay katarungan. Kung nilalait ka dahil maganda ka, mayaman ka, matalino ka, ang tawag d’yan ay inggit. Kung inuusig ka dahil nagpakasasa ka, nagkasala ka, gumawa ka ng katiwalian, ang tawag d’yan ay dapat lang.

Kung hindi mo alam ang pagkakaiba n’yan, barilin mo na lang ang sarili mo sa puso.

Kayong mga prayle na labis na nasindak sa paintings na me lalawit-lawit na ari ng lalaki sa mukha ni Hesukristo, di n’yo ba naisip na kayo ang tinutukoy n’yan? Na kayo ang naghahagis ng kung anu-anong kalaswaan sa mukha ng inyong Poon, na Poon din ng nakararaming Pilipino? Ano’ng sabi n’yo nang nabulgar ’yong paninikil n’yo sa PCSO? Ang PCSO ang dapat magpaumanhin sa inyo dahil sinabi nitong nangikil kayo ng Pajero samantalang ang totoo ay nangikil kayo ng Montero? At ano’ng sinabi n’yo nang mabuking ang paborito n’yong presidente na nagnanakaw ng boto? “Lahat naman sila nandadaya”?

Di n’yo lang pinapaskelan ng mga ari ng lalaki ang mukha ni Kristong Hari sa mga ganyang asta. Hinahagisan n’yo ito noong bagay na lumalabas sa inyo pag nakaupo kayo sa trono.

Gusto ko rin sanang sabihin na bumenta na ’yan, nilalangaw na ’yan, pero panahon pa ni Rizal ginagawa n’yo na ’yan at tunay na himala na hanggang ngayon ay nagagawa n’yo pa ’yan. Daig ang “Ten Commandments” na isang taon na sa Galaxy pinipilahan pa rin ng mga deboto. Pasuot-suot pa kayo ng puti and paki-pakita pa kayo ng pagkagimbal sa makasalanang mundo. Di ba si Kristo na rin ang nagsabi na ang nasa loob ng magagarang libingan ay naaagnas na balat?

Ikaw naman Mike Arroyo, nabisto ka na, papalusot ka pa. Buti secondhand helicopter ang binenta mo sa mga kakuntsabang heneral, hindi Tamiya. ’Di ka pa nakontentong magpamalas sa publiko ng kawalang kabusugan, nagpamalas ka pa ng kawalang galang sa kaugaliang Pilipino.

Di ba sa ating mga Pinoy, kapag kuya ka, ikaw ang tagakupkop sa nakababatang kapatid, ikaw ang tagatanggol sa nakababatang kapatid, ikaw ang tagaprotekta sa nakababatang kapatid? E, ikaw, e, para lang mailigtas ang sarili, una mong binabalato ’yung nakababata mong kapatid, una mong pinapahamak ang nakababata mong kapatid, una mong hinaharap sa bala ang nakababata mong kapatid. Ginawa mo na s’yang Pidal, gagawin mo pa s’yang taga ukay-ukay ng helicopter.

Gusto ko rin sanang sabihin na ’yong isa naman ay Dakilang Martir or Dakilang Tanga. Pero nakinabang din, naging kongresista.

Tanga man, di naman dakila.

Kayong mga Comelec commissioners, mga heneral, mga kongresista, at mga obispong tumulong kay Gloriang mandaya at mailuklok s’ya sa poder, huwag kayong mag-alala, dadamihan namin ang mga kulungan para lang mapagkasya kayong lahat. At least pwede kaming mangarap na makukulong din ang mga pekeng alagad ng Diyos. Hindi na kayo nahiya, kayo pa naman ang naturingang tagapagtanggol ng halalan (Comelec), tagapagtanggol ng bayan (AFP), tagapagtaguyod ng batas (Kongreso), taga gabay sa moralidad (Simbahan). Tindi n’yo mga tsong. Binaboy n’yo ang mga institusyon n’yo.

At ikaw naman Gloria, paawa epek ka pa d’yan, bigla kang magkakasakit nitong mga araw na malapit ka nang tamaan ng kidlat. Sabi ng mga kakampi mo, teka muna, totoo namang me sakit ka, at malubha pa. Sensya na, pero ganyan talaga ang sinasapit ng mga taong nagsasabi na hindi tatakbo pero tumatakbo, “I am sorry” pero hindi naman sori. At ipagpalagay na nating totoo ngang me sakit ka, at malubha pa, ano ngayon?

Naaawa nga kami sa iyo, mas naaawa naman kami sa sarili. Naaawa nga kami sa pamilya mo, mas naaawa naman kami sa bayan.

Sa loob ng sampung taong nakaratay ang bayan, naawa ka ba? Sa loob ng sampung taong namimilipit ang bayan, nahabag ka ba? Sa loob ng sampung taong nag-aagaw hininga ang bayan, nabahala ka ba? Ano, kakalimutan na lang natin ang hustisya dahil me sakit ka? Ipagpapaliban na lang natin ang katarungan dahil me karamdaman ka?

Kapareho ka na rin nung mga pinatatawag sa Senate hearing na biglang nagme-“may I go out” dahil nakakaramdam daw sila ng mataas na presyon. Aba’y dapat lang tumaas ang presyon n’yo.

Ang ina n’yo, na si Inang Bayan, ay nananangis. And ina n’yo, na si Inang Bayan, ay naghihinagpis. Ang ina n’yo, na si Inang Bayan, ay nagngingitngit.

Pero me bawi ang lahat, pumipihit din ang panahon. Lintik lang ang walang ganti. Tanga lang ang di nagkakaroon ng hustisya. Bampira lang ang di nasisilayan ng liwanag.

Dumating na ang araw n’yo.


Comments

Popular posts from this blog

Manila - The most Beautiful City in Asia 1950's to the mid 1970's

Family Planning TVC 2014

Philippine Business Monopolies